For Immediate Release on May 15, 2006
Urban Poor sumugod kay Kabayan
(Cardinal Rosales sinermunan si VP de Castro)
“Sa riles di kami pulubi; Gutom sa relokasyon; Kamatayan = Cabuyao; Kaunlaran para sa lahat hindi ng iilan.”
Nag-aapoy sa galit na sumugod ang mahigit 600 pamilyang apektado ng demolisyon mula Caloocan City hanggang Los BaƱos Laguna sa tanggapan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chair, VP Noli de Castro sa lungsod ng Makati. Naubos na umano ang kanilang pasensya sa pagbabalewala sa kanila ni Kabayan.
Nagkaroon ng pagpapahayag ang Koalisyon ng mga Samahan sa Riles-Katimugan sa pamamagitan ng street play. Sila ay gumawa ng maliit na tren upang ipakita kung paano nito winawasak ang kanilang buhay.
Ayon sa kanila, kalunus-lunos ang kanilang kalagayan sa relocation site sa Cabuyao, Laguna. Dahil walang kuryente, walang malinis na tubig na maiinom, malayo sa iskwelahan ng kanilang mga anak at higit sa lahat ay nawalan sila ng hanapbuhay dahil malayo sa dati nilang pinapasukan sa kanilang nilipatang tirahan magmula nang sila’y i-demolish ng pamahalaan. “Sana ang pamahalaan ay maging maka-Kristiyano at makatao kung magta-transfer ng mga tao galing sa riles,” pahayag ni Estrella Terencio, residente ng Southville.
Pinalala pa ng hagupit ng bagyong Caloy ang kanilang sitwasyon, hanggang ngayon ay tent lamang ang tirahan ng iba sa kanila at hindi pa nasisimulan ang paggawa sa kanilang lilipatan.
Kaugnay nito, nanawagan si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na itigil muna ang demolisyon hanggat hindi pa talaga nakahanda ang paglilipatan sa mga maaapektuhan. Tila nabigyan ng pag-asa ang mga taga-riles at nagpalakpakan nang basahin ang liham ni Cardinal para kay Kabayan.Umaasa sila na dahil may suporta ng simbahan, sila ngayon ay haharapin na ni VP de Casro.
Ngunit hindi sumipot si Kabayan, kaya kinausap na lamang nila si Atty. Pamela Yabut, legal counsel ng HUDCC. Ayon kay Alicia G. Murphy, project officer ng Urban Poor Associates, magkakaroon ng pag-uusap sa Miyerkules kung maaari ang in-city relocation sa Taguig, gaya ng mungkahi ni Cardinal. Subalit hindi aniya masasagot ni Atty. Yabut kung ititigil ang demolisyon sa Maynila upang maisaayos muna ang relokasyon sa Laguna.
Sa kanyang sulat pinayuhan ng Cardinal si VP de Castro na pag-isipang maigi ang mga plano ng gubyerno ukol sa malawakang pagre-relocate ng mga mahihirap sa malalayong lugar. Kailangan aniya na hanggat maaari ay malapit sa hanapbuhay, ibig sabihin ay in-city relocation. “We have to look again at our priorities. Do they reflect the Christian social teaching?,” pahayag ng Cardinal sa kanyang liham kay VP de Castro.
Ito ang pangalawang beses na kung saan ang isang Obispo ay nanawagan para itigil ang demolisyon. Ginawa rin ito ni Bishop Jose Oliveros ng Malolos noong October 2005.
Tinatayang 50,000 pamilya ang palalayasin sa riles mula Caloocan City hanggang Calamba para mabigyang daan ang rehabilitasyon ng Philippine National Railway (PNR), ayon sa Urban Poor Associates o UPA, isang non-government organization. Tinatayang 22,000 pamilya na ang na-displaced dahil sa Northrail at Southrail project ng pamahalaan (18,000 sa Northrail at 4,000 sa Southrail).
Ilang beses nang humingi ng tulong kay Kabayan ang mga mahihirap subalit ayon sa kanila ay wala namang aksyon. “Patuloy s’yang nagbibingi-bingihan! Wala s’yang ginagawa para solusyunan ang aming mga karaingan!” -30-
No comments:
Post a Comment