Thursday, December 6, 2007

PAGKAKAISA LABAN SA KAHIRAPAN AT KAWALANG KATARUNGAN (Pahayag ng suporta ng mga maralitang tagalunsod sa mga katutubo at magsasaka ng Sumilao)

PAGKAKAISA LABAN SA KAHIRAPAN AT KAWALANG KATARUNGAN
Pahayag ng suporta ng mga maralitang tagalunsod
sa mga katutubo at magsasaka ng Sumilao

Ang Urban Poor Alliance (UP-ALL) ay isang kilusan ng mga people’s organisation at non-government organisation na naninindigan at nagsusulong ng mga karapatan ng mga maralitang tagalungsod sa pabahay at batayang serbisyo. Ito ay may malawak na hanay sa Mega Manila, Bicol, Visayas, at Mindanao.

Ang UP-ALL ay sumusuporta sa laban ng mga katutubo at magsasaka ng Sumilao hinggil sa kanilang lupang ninuno at sakahan.

Ang pag-aari ng mga katutubo at magsasaka ng Sumilao sa 144 na ektaryang lupain ay pinagtibay ng kanilang Certificate of Land Ownership Award, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa kabila nito, sinagkaan ng panginoong maylupa na si Norberto Quisumbing ang pagkamit sa nasabing lupa ng mga benepisyaryong katutubo at magsasaka. Dahil sa ilang teknikalidad na patuloy na hinahamon ng mga katutubo at magsasaka, nagtagumpay ang mga Quisumbing na gawing agro-industrial zone ang naturang lupain.

Ngunit matapos ang limang taon, nanatiling nakatiwangwang ang lupain, isang batayan upang muling ilaan ang lupain para sa repormang agraryo. Kung ang lupaing ito ay naibigay dati pa sa mga benepisyaryong katutubo at magsasaka, malaki sana ang naitulong nito sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan at pamumuhay, kabilang na ang pag-aaral ng kanilang mga anak at pag-ahon sa kahirapan.

Kaya nga hiniling ng mga katutubo at magsasaka ang pagpapawalang-bisa sa conversion order at muling ipailalim ang lupain sa CARP. Ngunit hindi pa man nagkakaroon ng resolusyon ang kanilang kaso, ibinenta ng mga Quisumbing ang lupain sa San Miguel Corporation, na kasalukuyang minamadali ang paggawa ng isang malaking babuyan. Kung magpapatuloy ang mga gawaing ito, hindi imposibleng masimot ang kasaganahan ng lupain at lalong mapagkaitan ng karapatan at oportunidad ang mga katutubo at magsasaka ng Sumilao.

Bilang isang sektor na bunga ng kahirapan sa kanayunan at paghahanap ng ikabubuhay sa lungsod at bilang isang sektor na patuloy na pinagkakaitan ng kasiguruhan sa lupa, bahay, hanap-buhay at batayang serbisyo, ang mga puwersa ng UP-ALL ay nakikiisa sa kanilang panawagan kay Ginang Gloria Macapagal-Arroyo at sa Kagawaran ng Repormang Sakahan na ipawalang-bisa ang conversion order para sa 144 ektaryang lupa at ibalik ang lupaing ito sa mga katutubo at magsasaka ng Sumilao sa lalong madaling panahon.

Tanda ng pakikiisang ito, kami ay sumasama sa mapayapang paglalakbay ng mga katutubo at magsasaka ng Sumilao patungo sa kasiguruhan sa lupa, paninirahan, kabuhayan at makataong pamumuhay.

Secretariat Office:
PHILSSA
Partnership of Philippine Support Service Agencies, Inc.
3/F Hoffner Building, Social Development Complex
Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City
Telephone Nos.: 426-4327, 426-4328
426-6001 local 4854
Telefax No.: 426-0811
Email: philssanc@pldtdsl.net, philssa_ext@pldtdsl.net

Bookmark and Share

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner