Wednesday, August 15, 2012

Open Letter For Mr. Mike Enriquez of GMA 7


15 Agosto 2012


Miguel Castro Enriquez
Senior Vice-President for Radio
GMA Network

Minamahal naming Ginoong Enriquez,

Pagbati!

Kami po ay mula sa iba’t ibang grupo ng mga maralita na naninirahan sa estero ng Maynila. Kami ay mga masugid ninyong tagapakinig.

Nitong mga nakaraang araw laman ng pahayagan, radyo at telebisyon ang usapin na pwersahang pagpapaalis sa mga maralita dahil kami di umano ang sanhi ng pagbaha sa lungsod. Ito ay bunsod din ng pahayag ng pamahalaan na papasabugin ang mga kabahayan ng mga maralitang hindi sasang-ayon sa paglipat sa mga relokasyon.

Nais po namin ipabatid na kami bilang masugid ninyong tagasubaybay ay labis na nasasaktan sa mga binibitiwan ninyong salitang masasakit laban sa mga kagaya naming maralita. Mariin namin kinokondena ang mga pahayag ninyo tulad ng, “hinayupak kayo! Hindi nagbabayad ng buwis, at kayong mga Iligal settlers dapat kayong pasabugin!.” Ito po ay napakingan namin miyerkules , Agosto 15, 2012, sa inyong umagang programa.

Ang inyong programa ay pinapakingan ng milyung-milyong Filipino at ang mga inilalabas ninyong komento sa radyo ay nakadadagdag ng masamang pagtingin sa mahihirap na katulad namin. Ang anumang mga salitang inyong nasabi ay hindi na rin maaaring burahin sa isipan ng mga tao. Hindi rin namin matangap na ang isang tulad ninyong respetadong broadcaster ay tila hindi pinag-iisipan ang mga gagamiting pananalita sa himpapawid.

Nais namin ipaalam sa inyo ang aming saloobin at mga ginagawa naming hakbang para maitaas ang aming kalagayan:

1. Batay sa isinagawang survey ng Urban Poor Associates, isang NGO na nagsusulong ng karapatang pabahay para sa mga maralita, 74% ng naninirahan sa mga estero ng Maynila ay may mga trabaho. Kami ay mga vendors, ang iba ay mga security guards sa iba’t ibang establisyemento, mga janitors, at iba-iba pa.

2. Ang aming mga lokasyon ay malalapit sa aming mga trabaho at ang aming mga anak ay nakakatapos ng kolehiyo.

3. Bagaman, may ibang walang trabaho kaya hindi nakakapagbayad ng direktang buwis. Sana wag natin kalimutan na bawat binibili naming noodles, sardinas at bigas kahit maliit lang sa iyong pagtingin ay may nakapataw na buwis.

4. Kami ay naninirahan sa mga lugar ng mga maralita ng mahigit pa sa 20, 30 o marami pang taon. Kami ay isang komunidad. Kami ay nagtutulungan sa panahong kami ay may karamdaman. Ang ganitong pagsasamahan o tinatawag nilang “Social Capital” ay hindi basta basta naililipat sa isang  relokasyon kagaya ng Gaya-Gaya o Calauan.

5. Matagal na rin hindi ginagamit ang salitang illegal settlers o squatters sa mga tulad namin dahil ito ay isang uri ng diskrimasyon. Kami ay tinatawag na informal settlers, ibig sabihin matagal ng naninirahan sa mga maralitang lugar. At naaayon sa batas ng Urban Development and Housing Act,  na ang mga kagaya namin ay nararapat ng mapaisailalim sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.  Gusto rin namin ipaabot sa inyo na ang mga pabahay ng gobyerno ay hindi libre ito ay binbayaran din ng mga maralita sa mas mababang halaga.

6. Nais din namin kayong maimbitahan sa mga relocation site upang kayo mismo ang sumuri sa mga kalagayan ng pabahay ng gobyerno. Mahinang semento at marurupok na bubong.  Ng nakaraang habagat grabeng pinsala ang natamo ng mga taga-Isla Putting Bato na nailipat sa Rodriguez, Rizal. Lumubog ang kanilang kabahayan sa relocation site. Inilipat sila sa doon dahil danger area daw pero mukhang death zone ang pinagdadalhan sa mga maralita. Walang hanap buhay at nalalayo ang mga pamilya sa isa’t isa dahil kailangan ang ama o ina ay magtrabaho sa Maynila.

7. Ang aming hanay ay nakikipag dyalogo din sa mga kinauukulan upang maisagawa ang on-site na pabahay sa amin. Kasama namin ang Palafox Associates, Mga mahusay na arkitekto  sa pagdesenyo ng pabahay na angkop sa aming lugar. Sa katunayan, ang aming mga lugar ay natukoy na ng pangulong Benigno Aquino para sa on-site housing. Meron na rin inilaan pondo para dito ang pamahalaan. Kami naman ay nag aayos ng mga requirements kagaya ng pagsosoil test, DENR clearance at iba pa.  Inaanyayahan din namin kayo na magtungo sa aming mga lugar at ipapakita namin sa iyo ang mga hakbang na aming ginawa para sa pagsulong ng on-site na pabahay.

Ginagawa po namin ang lahat upang ayusin ang aming pamumuhay. Hindi man magaganda ang aming bahay at nananatili itong eyesore sa mata ng karamihan. Ang loob po ng aming tahanan ay punong-punong ng pagmamahalan, respeto, at nangangarap ng magandang bukas para sa aming mga anak.

Nais po naming ipaalala sa inyo na ang mga binabatikos ninyo sa inyong palatuntunan ay kapwa ninyong Filipino na naniniwala at nakikinig sa inyong programa.

Dahil dito nais namin kayong huminge ng public apology sa lahat ng mga maralita. Naniniwala kami na iresponsableng pamamahayag ang inyong nagawa dahil naapektohan nito ang aming pakikipag-ugnayan sa pamahalaan. Napapalala din ninyo ang stigma sa amin samantalang ginagawa namin ang lahat upang isaayos ang aming kalagayan.

Kami ay umaasa na inyong tutugunan ang aming mga hinaing dahil naniniwala kami na malaking bulto ng pamamayagpag ng inyong programa ay dahil sa aming mga maralitang tagapakinig.

Maraming salamat.


Lubos na gumagalang,

Filomena Cinco
Pangulo
Nagkakaisang Mamamayan ng Legarda

Ricardo Narcilla, jr.
Pangulo
United 311 Chrislam Association

Angelita Marasigan
Pangulo
Nagkakaisang Magkakapit-bahay ng Estero De San Sebastian

Luisito Ramos
Pangulo
Soler Compound Neighborhood Association of Quiapo


Cc:

GMA Chairman and CEO lawyer Felipe L. Gozon
GMA President  Gilberto R. Duavit, Jr

Bookmark and Share

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner