Friday, May 12, 2006

Manindigan! Ipaglaban ang makataong relokasyon!

STATEMENT*** PRESS STATEMENT*** PRESS STATEMENT
For Immediate Release on May 20, 2006

Manindigan! Ipaglaban ang makataong relokasyon!

Ang dignidad ng tao ay hindi maaaring bayaran. Hindi tama kailanman, lalo na sa pamahalaan na may pananagutan sa kabutihan ng lahat na hindi pansinin ang mahirap na kalagayan ng napakaraming tao at pamilya na napilitang manirahan sa lansangan o magkasya sa miserableng barung-barong na tirahan.

Kaming mahigit 800 pamilya sa R10, Sitio Sto. NiƱo, Puting Bato sa Navotas ay walang-awang dinemolis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) simula noong Huwebes. Daan-daang demolition crews mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA), kasama ang mga armadong pulis, ang nagsagawa ng sapilitang ebiksyon gamit ang bulldozer, back hoe at iba pang heavy machinery.

Ayon sa ating Saligang Batas, hindi dapat paaalisin ni gigibain ang mga tirahan ng maralitang tagalungsod maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao. Hindi dapat ilipat ng tirahan ang mga maralitang tagalungsod nang walang sapat na pagsang-guni sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila. (Art. XIII, Sek. 10, 1987 Saligang Batas)

Ito ay pinagtibay ng Seksyon 28 ng RA 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992. Ayon sa UDHA, pinahihintulutan ang demolisyon ngunit sa pagsasagawa nito ipinag-uutos ang sapat na relokasyon.

Kami ay nanawagan sa pamahalaan na ipatupad sa makataong paraan ang mga ebiksyon at tiyakin ang sapat at angkop na relokasyon.

Maraming demolisyon ang isinasagawa sa pagpapalagay na dapat alisin ang mga maralita sa isang lugar, ngunit naglalagay lamang sa kanila sa higit na mapanganib na kalagayan.

Malinaw na ayon sa batas at mga alintuntunin nito, ang bawat maralita ay may karapatan laban sa sapilitang paglilikas at karapatan sa maayos at sapat na relokasyon.

Subalit paano kung ang pamahalaan na dapat magpasunod ng mga batas ay siya ang pangunahing lumalabag nito? Walang malinaw na relokasyon sa amin. Hindi nasunod ang UDHA. Walang financial at food support, walang suporta mula sa LGUs. May mga paglabag sa karapatang pantao.

Kami, kasama ang mga NGOs na tumutulong sa amin, ay kinokondena ang pagwawalang bahala ng pamahalaan sa mga pangunahing pangangailan ng mga pinalayas at ipinagtabuyang pamilya. Labis na kaming naghihirap, bakit pa kami lalong pinahihirapan? Paano na ang pag-aaral ng aming mga anak? Paano na ang kanilang kinabukasan?

Ginagamit lamang ng DPWH ang isang taktika/sistema na nakagawian nang gawin ng gubyerno sa bawat maralitang pamilya. Pagbabantaan ng sapilitang demolisyon kung hindi aalis. Bibigyan ng maliit na halaga upang lisanin ang tirahan. Pangangakuan ng relokasyon ngunit sa liblib na lugar gaya ng Bitungol, Norzagaray, Bulacan. At papipirmahin sa isang waiver na nagtatangal sa kanilang obligasyon para sa sapat at makataong paglilipatan. Sa ganitong paraan ang may kasalanan, kung sakaling lisanin ang relokasyong ipinagkaloob sa kanila ay ang mga maralita na siyang malayang sumang-ayon na ipahamak ang kanyang pamilya sa hindi nararapat at angkop na paglilipatan.

Nakagawian na itong gawin ng pamahalaan, paspasan, kahit na malabag ang mga karapatan sa maayos na paninirahan at karapatan bilang isang tao, isang mamamayang sa kanyang maliit na kakayahan ay bahagi rin ng pag-unlad ng bansa. Hindi ito kailanman magtatagumpay. Lumilikha lamang ito ng mas maraming problema/suliranin gaya ng mga taong napipilitang tumira sa mga kalsada, ilalim ng tulay, sementeryo at kung saan-saan pa.

Sana ay gamitin ng gobyerno ang paraang makabubuti sa mga maralita, paraang maka-Diyos at makatao. -30-

No comments:

Post a Comment

Bookmark and Share

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner