Monday, September 1, 2008

MANIFESTO

KAMING mga MARALITANG KOMUNIDAD SA LUNGSOD, ay saksi at dumanas ng di-makatao at mapanghamak na gawi ng MMDA, iba pang ahensiya ng pamahalaan at ibang lokal na pamahalaan sa tuwing may demolisyon at ebiksyon na isinasagawa na tahasang salungat sa itinakda ng ating Saligang Batas, batas na sinang-ayunan partikular ang UDHA at mga pandaigdigang kasunduan kung saan ang Pilipinas ay lumagda. Nagtutulak ito sa amin – mga kababaihan, kabataan at nakatatanda – sa kalsada lantad sa lahat ng porma ng pang-aabuso, inagawan ng aming mga pag-aari at, pinakamasama, hinubaran ng dignidad bilang tao.

Sa pagsasagawa ng mga kasamaang ito, pinoprotektahan nila ang kanilang mga sarili ng kadahilanan na ang kanilang isinasakatuparan ay para sa kapakanan at kaunlaran tungo sa ikabubuti ng nakararami. Samantalang, kaming mga maralitang komunidad sa lungsod ay tao rin na ginagarantiyahan ng mga batayang karapatan – sa sapat na proseso, karapatan sa pagmamay-ari, karapatan na hindi makaranas ng anumang anyo ng pang-aabuso at karapatan na magkaroon ng disenteng pabahay. Ang kabutihan para sa nakararami ay dapat isinasama ang karapatang pantao ng bawat isa. Hindi tayo makakapagbuo ng isang disenteng lipunan sa paglabag ng karapatan ng mga mahihina.

Hindi kami dapat ipinalalagay na panggulo o problema, sa halip ay bahagi ng kaunlaran ng bansa. Kung anumang kabutihan mayroon na hinahangad ang pamahalaan, hindi ito dapat lumalabag sa batas o yumuyurak sa mga karapatang pantao.

Upang alisin ang lahat ng mga nakagugulong bahagi sa pagpapatupad ng UDHA, ang mga maralitang komunidad sa lungsod ay isinusulong ang mga mungkahing pagbabago sa kongreso at senado hinggil dito upang anuman ang itinataguyod ng batas na ito ay maisakatuparan.

1. Dapat isama ng UDHA ang malinaw na pagbabago sa “title 12” ng “Civil Code” sa nuisance, sa pagsasaad na kung ang sasailalim ay mga tirahan ng mga di pormal na nananahan, ang seksyon 27 at 28 ng UDHA at ang IRR ang dapat na gamitin sa halip na ang probisyon sa “Civil Code.”

2. Ang hangganang panahon na 1992 ay dapat na alisin. Ang mga lokal na pamahalaan ay hindi sumunod sa batas na paglalaan ng lupa para sa pabahay ng mga maralita at hindi nagawang ilikas ang mga di pormal na nananahan sa lungsod sa loob ng dalawang taon tulad ng iniuutos ng UDHA. Kinakailangan ang bagong paraan ng pagtatakda ng hangganang panahon sa sa bawat demolisyon. Iminumungkahi na magsagawa ng census sa lugar na may nakatakdang demolisyon kung mayroon nang nakahandang relokasyon. Ang lahat ng nasa census, kasama ang mga umuupa at nakikitira, ay benepisyaryo.

3. Dapat na tahasang ilahad ng UDHA na ang di pagsasagawa ng lokal na pamahalaan sa census ay inilalagay na ang sinuman na magkakaroon ng ebiksyon at demolisyon sa ilalim ng UDHA ay awtomatikong dapat na makatanggap ng mga benepisyo ng relokasyon. Dagdag pa, ang hindi pagsasagawa niyan sa bahagi ng lokal na pamahalaan ay nagpipigil sa pagpapatupad ng biglaang ebiksyon sa ilalim ng IRR.

4. Ang UDHA ay dapat na banggitin ang mga opisyal at kinatawan ng pamahalaan na dapat na naroroon sa lahat ng panahon sa buong durasyon ng aktwal na ebiksyon o demolisyon. Dagdag pa, dapat na banggitin na ang lokal na pamahalaan ang siyang pinunong ahensiya na mangunguna at magsasagawa ng demolsiyon.

5. Dapat na nakasaad sa UDHA na maglaan ng pera sa “summary adjudicatory court procedures” (espesyal na proseso ng korte) na maaaring mag-utos na may layon na masagot ang mga di pormal na nanahaan laban sa pang-aabuso ng mga lokal na alkalde at iba pang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa isinagawang iligal na demolisyon.

6. Mahigpit na ipatupad ang Seksyon 28 ng UDHA bago ang pagpapatupad ng demolisyon. Ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat na parusahan kung ang lahat ng hinihingi sa ilalim ng Seksyon 28 ng UDHA ay hindi istriktong ipinatutupad.

7. Mayroon dapat mga konsultasyon sa komunidad sa layunin ng paghahanda sa mga di pormal na nananahan para sa ebiksyon at demolisyon. Dapat na bigyang ng pagkakataon na magmungkahi ang mga apektadong pamilya ng mga alternatibong relokasyon at dapat ding kilalanin ang mga alternatibong plano ng mga tao.

8. Dapat magsagawa ng mga pagpapaliwanag sa batas upang masiguro na ang mga naninirahan sa komunidad na nakalaan sa demolisyon ay alam ang kanilang mga karapatan at kaparaanan partikular sa ilalim ng UDHA. Magtalaga ng ahensiya ng pamahalaan na magsasagawa nito.

9. Bago ang pagsasagawa ng ebiksyon ang mga kasapi ng grupo ng demolisyon ay dapat na dumaan sa isang seminar sa karapatang pantao o pagbabalik-aral para sa karapatang pantao.

10. Dapat magtukoy ng paraan para masiguro na may relokasyon ang mga pamilyang pinalikas dahilan s autos ng korte sa mga lupang pribado.


IPAGLABAN ANG ATING MGA KARAPATAN!

HANGGANG HINDI NAISASAKATUPARAN ANG MGA HAKBANG NA ITO DAPAT MAGKAROON NG PAGPAPATIGIL SA LAHAT NG DEMOLISYON SA LUPA NG PAMAHALAAN!

TASK FORCE ANTI-EVICTION

No comments:

Post a Comment

Bookmark and Share

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner